
“Ang pangarap ko’y ay ayos lang, gumanda lang ang Daraitan ayoko ng matagal ayun mga aming aming kabuhayan. Ay narito ang aming ano ay ayaw kong mawala itong aming Daraitan, yun lang ang aking pangarap dito sa Daraitan na huwag mawala. Ay kung mawawala naman at masisira gawa niyang gagawan daw yata yan ng dam ay pero ni ‘nung sila’y wala doon hindi naman daw naming mapipigilan sabi ko’y saan naman kami titira?”
Isa sa mga miyembro ng organisasyong 4K si Mely Calimutan, 61 anyos, isang magsasaka mula sa Barangay Daraitan, Tanay, Rizal. Umalis siya sa Paete, Laguna upang sa Daraitan na manirahan kasama ang kanyang pamilya.
Bata pa lamang siya ay tinuturuan na siya ng kanyang magulang sa pagtatanim. Ito rin ang naging kabuhayan niya hanggang siya ay nakapag-asawa.
Bago siya sumali sa organisasyon, isa siyang maybahay at kumukuha lamang ng pagkakaitaan sa pamamagitan ng paglalabada at pagtitinda ng mga gulay-gulay, at ice candy. Nakikilahok rin siya sa mga pulong kaya’t hinikayat siya ng kanyang kapwa magsasaka at miyebro na ng organisasyon na sumali.
Sa pagsali niya sa organisasyon nagkaroon siya ng mga bagong kaalaman tungkol sa organikong pagtatanim. Maganda raw ang naitutulong ng organikong pagtatanim sa kay Nanay Mely. Ayon sa kanya, bukod sa kumukita siya ay sa pananim na rin siya kumukha ng makakain nila sa hapag-kainan at bibihira lang silang bumili ng pang-ulam.
Dagdag pa ni Nanay Mely, tinuturuan na rin niya ang kanyang mga apo at pamangkin na magtanim ng mga organikong pananim.







